Seminarians Exposed!!!

Una, gusto kong ipaalam sa lahat na ang aking pormal-pormalang article sa website ng congregation namin ay available na in karay-a, tausug and ibanag version.  Basahin nyo naman.

Pangalawa, nandyan na ang Hellish Links, Heavenly Blogs.  Pakidalaw naman po yung mga nag-advertise doon.   As of the moment ay si Fatherlyours, si Joycee, ang tambalang Berto and Kiera, si Dedpish, si ELIment,  at si Enjoy  ang mga unang nagpost ng kanilang advertisement.  Masisiguro ko po sa inyo na may katuturan at may saysay ang mga blog nila, kasing useful lang ng pusod, tonsil at split ends sa buhay ng tao.  Uy, joke lang.  Dalawin nyo naman sila!

Pangatlo, naimbitahan akong mag-comment sa isang blog ng mga ex-seminarians pero medyo napahaba yata ang nasulat ko, kaya yun, ginawa nilang post.  Kung alam ko lang eh sana di ako nag-ingles.  Murder She Wrote kasi ang grammar ko. hehe…  Gayunpaman, salamat, mga kapatid na Exodians!

* * * * *

Isa sa pinaka-exciting na bahagi ng buhay ng isang makabagong seminarian ang exposure at immersion.  Kung matatandaan ninyo ang makabagbag-damdaming multiply posts ni Tracy Isabel Borres ay tiyak na-encounter ninyo doon ang words na exposure at immersion, in a very coñotic way nga lang.  Ang totoo nyan eh isa ito sa pinaka-aabangang event ng isang seminarista:  Biruin mo, makikitira ka sa bahay ng isang pamilya, mamumuhay ka sa labas ng seminaryo, at malayo sa formator mo?  Hah!  Freedom, at last!  Pero wag ka, hindi isang simpleng fieldtrip o sleepover lang ang exposure.   Not for the faint-hearted, ika nga.  Una, sa iskwater ka talaga titira.  Pangalawa, bibigyan ka lang ng 500pesos ng formator mo para mabuhay ka ng 1 month doon.  Pangatlo, usually, incognito ka, di nila alam na seminarista ka . Ito eh para di kami bigyan ng special treatment ng foster parents namin.  Here are some case studies (may case studies talaga eh ano?)

CASE 1:  Si Fr.Dan (di totoong pangalan), noong seminarian pa siya (early 90s) ay nag-exposure sa slum area sa Singalong.  Doon ay nanirahan siya sa bahay ng isang pamilya kung saan ang pangunahing trabaho ay ang mag-ambulant vendor (nagtitinda siguro ng ambulansya).   Doon ay pinapatulog siya katabi ang galising mga anak ng foster family nya.  Sumama siya sa kanilang magtinda ng yosi sa bandang Quirino Ave..  Unang araw pa lang eh lugi na si Fr. Dan dahil di naman siya marunong sumabit at tumalon sa rumaragasang bus habang may karay-karay na takatak (lagayan ng bentang sigarilyo).   Hindi rin siya marunong magsukli, magdispense at magsindi ng sigarilyo habang naglalambitin sa loob ng bus.  Heck, ni hindi nga marunong magsigarilyo ang seminaristang ito!  Immediate ang impact ng pagkalugi nya dahil di sila nakakain ng hapunan sa araw na iyon.  Kaya pinagtinda na lang sya ng roses sa may Ermita area, inaalok ang lahat ng Kanong makakasalubong.  Si Fr. Dan po ay anak ng dating mayor sa may eastern Visayas.

CASE 2:  Si Fr. Roel (di totoong pangalan) naman ay anak ng isang may-ari ng napakalawak na farmlands sa may Central Luzon at 5′ 2″ ang height.  Noong nag-exposure siya during his seminary days ay napunta naman siya sa isang pamilyang nagtitinda ng buko sa may Quiapo.  Bagama’t promdi si Roel ay hindi naman ito sanay magbiyak ng buko so tagatulak na lang siya ng kariton.  First time din lang ni Roel magtulak ng kariton so muntik na silang makadisgrasya sa palengke.  Katakut-takot na mura’t panlilibak ang inaabot nya sa ama-amahan niya doon hanggang sa matapos ang kanyang exposure.

CASE 3:  Si Fr. Chito (di pa rin totoong pangalan) ay mula sa mga old rich ng Maynila at may PhD in Economics sa isang sikat na university noong pumasok siya sa seminaryo.  Noong exposure niya eh di sya paniwalaang mahirap ng mga katrabaho niya sa pabrika ng tela dahil nerdy ang salamin niya, tisoy sobra at masyadong refined kumilos.  Araw-araw ay kinekwentuhan siya ng isa niyang katrabaho tungkol sa mga sexcapades nito.  A few ordination ay bumalik si Fr. Chito sa pabrikang iyon upang magmisa.   Ang katrabaho niyang manyak?  Nagtago sa CR during the Mass.

Case 4: Si Fr. Nelson ay isang public school teacher sa Bulacan noong  naisipan niyang magpari.  During his exposure, nanirahan siya sa isang pamilya na ang nanay ay taga-makeup ng mga exotic dancers at ang tatay naman ay isang bouncer.  Maswerte naman si Nelson at natanggap siya bilang gasoline boy sa isang gas station.  Bakit kanyo?  Sa gas station kasi eh may CR:  Di na kasi niya matiis ang umebs al fresco sa tabi ng creek kung saan nawiwitness ang buong sangkaiskwateran ang kanyang mala-seminaristang kuyukot.

Case 5:  Si Marlon (di sabi totoong pangalan), dating university professor, at si Ben (you know the drill, di totoong pangalan), dating big-time na accountant-consultant sa Cebu, ay mga seminarista na ngayon.  Sa may Commonwealth naman sila na-assign mag-exposure.  Nataon namang tag-ulan kaya tiniis nila ang mga tumutulong bubong sa tinitirahan nila. Para di mabasa, nag-ala-Fred Astair silang dalawa: nakapayong silang matulog habang kumakanta ng  “I’m sleeeeping in the rain, I’m sleeeeeeping in the rain!”   Kaya tuloy hanggang panaginip, puro lagaslas ng tubig-ulan ang naririnig nila.  Odiba, wet dreams.  Minsan, ginulantang na lang si Marlon ng galun-galong tubig nag-splash sa higaan nya dahil bumigay ang bubong at personal na ipinaranas sa kanila ng bagyong si Jolina ang kanyang basambasang pag-aalimpuyo.    Si Ben naman ay nagising na lang na kasukob niya sa payong ang mga dagang sindami (ngunit di sing-cute) ng buong cast ng Ratatuille.

Ano naman ang masasabi nila sa karanasan nilang ito?  Marami. (Humanda kayo’t  Serious Osmeña si Utoy!)  Natututo silang pahalagahan ang bawat maliit na comforts nila sa seminaryo.  Nakita nila kung gaano kahalaga ng 20pesos sa isang ordinaryong pamilyang Pilipino.  Nabigyang halaga nila ang mga trabahong dati’y tinatawanan lang nila, ang mga taong di nila pinapansin dati, ang mga lugar sa Maynila na dati’y iniiwasan nilang pasukin.  Natutunan nilang bitawan muna ang lenggwahe ng Systematic Theology at gumamit ng mas makamasang salita upang ikalat ang Ebanghelyo.  Nagugulat kasi sila dahil sa ganung kamiserableng lugar ay nakatagpo sila ng taong may higit na pag-asa sa buhay at mas malalakas na pananalig sa Diyos kesa sa mga taong angat sa buhay.  Up to the core talaga ang impact ng exposure dahil dito natutuklasan ng isang seminarista na ang tunay na mukha ng kahirapan pala eh xerox copy lang ng banal na mukha ni Hesus.  {{**insert the song “Hesus na Aming Kapatid” here and then mag-emote ka.  sige na, gawin mo, please.  yung teary-eyed ha?**}}

Seriously, naka-relate ba kayo?  Pakiramdam ko kasi eh ako lang yata ang iskwating dito sa blogosphere.  Hehe…

Yeah, yeah, alam ko na ang inaabangan nyo sa mga blog ngayon eh mga usual February post na love-love at heart-heart.  Bah, humbug!  Pero sige, ang next post ko eh tungkol sa buhay-pag-ibig ng seminarista.   Pramis, peppered with kilig moments at heartaches ito.  Hehe…

* * * * *

At ang ating stainglass window of the day ay ito!

img_2774

Kuha ko ito sa Rome sa aming unang gala nina P0kw4ng at Rev.Siopao.  Ito ang rosette window ng Basilica of St.Mary Major.   Ang traditional rosette windows ay isang pagpupugay kay Maria at karaniwang binubuo ng mga geometrical patterns, (tulad ng bintanang featured ko dito).  Nanatiling Marian ang theme ng mga modern stainglass (tulad naman ng bintanang featured ko dito) pero nawala na ang dating circular symmetry nito.

Sa bintanang ito ay makikita sa magkabilang bahagi ni Maria ang mga Judeo-Christian symbols tulad ng Decalogue, Menorah, Holy Spirit, Cross at Eucharist.  Sa baba ay mayroong latin inscription na ang ibig sabihin ay “Hail Daughter Sion”  na tumutukoy sa isa sa pinakaunang title ni Mary na kumikilala sa kanyang Jewish ancestry.

God bless!

66 Responses

  1. base!

    yey, base si siops!
    .
    .
    .
    .
    uhhmmm… ano palang ibig sabihin nun?

    • HEy bro utoy, naka punta kana ba sa seminary ng NUling, cotabato? ano nga pala ang congregation mo…nakakatuwa mgablogs mo eh

  2. kapatid, i’m in the middle of reading your new post. mali yata ang link ng exodians…. site pa rin ng SSS ang lumalabas e. paki-check please.

    magbabalik…

    sige i’ll check.
    uhhhmmm…
    .
    .
    base din!!!
    o, ikaw naman.ü

  3. bkit gnun d aq mkpagcomment

    nakapagcomment ka, jof.ü pero alam mo, kagabi, di rin ako makacomment sayo. nakailan akong try sa Evo post mo.
    GOd bless!

  4. nakakatuwa naman po ang mga kwento nila lalo na yung nagtago sa CR yung maniac, ahahahaha!

    kapatid po ako ni powkey, di nga lang halata. naririnig ko na po ang sikat niyong pangalan kasi naman ilang linggo ata sa blog ni revsiopao yung grand EB niyo. naumay na nga po ako dun, ahahahaha!

    napadaan lang po, mabasbasan man lang ang blog ko, ahahaha!

    oo nga eh, kalat na sa Net ang scandal namin. balita ko nga eh tag-bente na ng vcd namin sa may Cubao. hehe…
    uy, in-add na kita bilang “Princess Cha: kadugo ni P0kw4ng”
    God bless!

  5. The “grounding” that these pastoral exposures / immersions can create in the lives of seminarians are truly profound. Living theology indeed. Thanks for sharing this kapatid.
    *****
    Gusto kitang tawagan about the ‘case studies’. Parang familiar ang ilang mga karakter. Tama nga kaya ang aking hula?…. Basta tatawagan talaga at makiki-buzz ako.
    *****
    Mabuti’t nakuhanan mo ng klaro ang stained glass sa St. Mary Major. Beli gud!
    *****
    Fr. Roel — at talagang importante ang 5’2″ na height sa kuwento? Ha ha ha!
    *****
    Super unforgettable nga ang karanasan nila Marlon at Ben (‘di totoong pangalan?). Naimagine ko ang mga daga!
    *****
    Aabangan namin ang iyong upcoming post tungkol sa buhay pag-ibig ng mga seminarista. Awww!!

    grounding… ano yun?
    **
    alam mo bang mostly ng stainglass shotos ko sa Rome eh malabo? kakabadtrip.
    **
    importante ang height. wag ka magulo.
    **
    yup, di totoong pangalan. Ciriaco at Istanislao talaga ang mga tunay nilang pangalan.

  6. Totoo yan, Bro. Minsan nakakalimutan ng tao magbilang ng mga blessings na binibigay sa kanya kasi nakasanayan nya na. akala it’s just an everyday ordinary thing lang… na normal lang talaga na meron syang ganyan.

    Yung exposure ninyo araw -araw ko nakikita yan pero hindi ko naman nararanasan. Syempre I volunteer in a public hospital. Makikita talaga yung tinatawag na SURVIVAL.

    Yan actually ang pinag-usapan namin ng isang friend ko habang naglalakad kami from the emergency room to the OPD. napansin ko yung dami ng tao sa paligid namin na talagang lumalaban sa mga pagsubok sa buhay kahit na walang wala na. Alam mo ba na yung iba, kahit pambili ng ice (oo, yelo), ay walang mailabas na pera? Isipin mo na lang pano pa kaya yung nirereseta para sa gamot.

    Sometimes it pays to stop, look around and count the blessings being given. mga ordinaryong bagay pala ay big deal na sa ibang tao. Kaya nga siguro maraming malungkot sa mundo kasi di rin natutunan yan.

    Anyway, pwede bang ikaw na lang kdate ko sa 15? di na sa 14 kasi fully-booked na ako. hehehehe!

    yup, available ako sa 15th! magformal ka ha, yung tipong little black dress kasi nagpareserve na ako ng table sa Jollibee. Balita ko kasi eh masarap ang Chickenjoy nila.

  7. waha. inspiring! 🙂 gusto ko din maexperience yung exposure trip. waha. naalala ko tuloy yung offer sakin na sumama sa bundok. experience lang daw. nyaha. kaya lang, dahil makasarili ako at mahal ko ang aking pamilya, kahit gustong – gusto ko na, hindi pa rin ako sumama. 😦

    hindi rin pala biro ang pinagdadaanan ng mga seminarian. tsk. at lalong hindi biro ang pinagdadaanan ng karamihan sa mga Pilipino. 😦

    kaya nga dinaan ko na lang sa biro ang pagkukwento.ü
    yup, minsan, kailangan nating tumingin sa paligid natin para malaman na di lang talaga tayo para sa ating sarili. kailangan din tayo ng iba.
    .
    .
    Sisa?
    kanta tayo ng “What the world needs now is love, sweet love.”

  8. can’t help but reminisce.
    so vivid. LOL

    ayt ayt bor!

    yun yung mga tiis-tiis moments na pagkatapos eh mga isang buwan na topic sa refectory. hehe…

  9. sari saring tao at sari saring wento ng buhay ano? pero isa lang ang masasabi ko sayo brod utoy, sa palagay ko’y save ka na dahil sa title ng blog mo at ng mga sinusulat mo..dyan pa lang tiyak ko na sa langit ka pupulutin..yahu………

    yahuu! salamat, payatot. pero sana wag muna akong mapunta sa langit. nag-eenjoy pa ako sa blogging eh. hehe…
    GOd bless!

  10. Di totoong pangalan daw? hehehehehe.

    E parang hawig ang pangalan sa totoong buhay.
    hahahahahaha.
    Sana mabasa nila para makapag comment.

    Malakas talaga ng intuitive power mo toy.
    Nag iintigrate ka na sa 4.
    Bow ako sa yo. Regards

    3 ako, tol, tatlo, tres, trois, drei, three!
    madalas lang talaga akong madepressed lately.
    .
    .
    yung ibang mga nagbabasa ng comments, di makarelate. hehe…

  11. mahirap ang exposure-immersion pero masarap!

    syempre, as the saying goes:
    “Kung may hirap, may sarap!”

  12. Sandali lang!!! Nde pa ako nakakapagcomment dun sa isang entry mo… wait lang, magbabalik!
    sige, jorge. take your time.ü

  13. masaya siguro ang exposure trip.. exciting.. adventure ito.. ehehe

    nakakaworry din kung minsan lalo na’t medyo delikado yung lugar at alam ng kapitbahayan na baguhan ka pa lang. pero, totoo, real adventure ito!

  14. @rev.siopao::ano to taguan at may pabase base ka pa jan ha…hehehe

    @brother utoy::maya ko na itutuloy ang pagbabasa ng entry mo at maya na din ako magcocomment papatulugin ko muna ang aking anakis at kinukulit na nman ako..hehehe

    bye for now!^^,

    no problemo, chicks. family first bago blogs.ü

    si rev? di ko rin alam kung ano yung base eh. pinagbibigyan ko na lang kasi kaibigan ko yan. pero worried na talaga ako sa inaasal ni rev. hehe…

    siops, peace!

  15. re exodians-
    been an ex seminarian (for 3 years) as well (after 8 years ‘inside’)… and though it has helped me in more ways than one, it was also difficult adjusting, moving on, letting go and finding new directions… kailangang kailangan talaga ng ‘kasama’ sa panahong ito.

    re immersions/regency
    …kailangang kailangan din muli talaga ng ‘kasama’ sa panahong ito (maliwanag na processing, formation etc.)

    Wow, bro. parang ready ka na sa formation house. hahaha

    kapag si Bro ang nagcocomment, ninenerbyos ako kasi holy person ito eh.ü
    pero naku, bro, wag ka sanang maging prophetic. ayoko maassign sa formation!

    God bless!

  16. @yas
    yay! haha! ma-eexperience sna natin ang immersion ekek na yan pagdating ng 3rd year. haha!

    anyway,misspelled ung Ratatouille. hehe. 🙂

    o sya, sya. asteeg. 😀

    xD

    ay, oo nga, wrong spelling nga!
    uy, dun sa blog mo, pinagmemember muna ako ng bloggers.com.
    ayoko naman at may blog na kasi ako.
    paano ba yun?

  17. wow bro..galing naman nyan… hindi mo talaga mapangalagahan ang isang bagay pag hindi mo naranasan di ba? that’s good may ganyan sa seminarista hehehe..sabi nga nila pagsubok lamang yan! hehehe..ang ganda namang stainglass na yan! ka abang abang na ang lovesturi nyu! whahahaha…

    Godbless! keep it up BRO!

    P.S. babasahin ko mamaya ang KARAY-a na yan..hehehe…

    wow, mukhang maraming magbabasa nung lovestory ah. masimulan na nga. salamat sa pagdalaw sa karay-a version ng article ko!

  18. Nalungkot ako at nagpapasalamat sa tuwing naaalala ko yang immersion na yan kapatid. Alam mo kung bakit? kasi di ko malubos maisip na yan ang magiging buhay ng kapatid ko matapos ang kanyang mala mayamang pamumuhay (9 years practice being ortho) bago pa sya pumasok sa seminaryo. Namuhay din sya sa quezon city sa may tambakan ng basura. Tumindi ang paniniwala ko na mahal talaga kami ng Dyos dahil dalawa sa mga kapatid ko ang kinuha nya bilang alagad.

    Thanks for sharing!

    mahal naman talaga tayo ni Lord, lalo na ang mga kapatid mo.ü
    wag ka nang malungkot… let’s praise the Lord! (ang mga ibon… na lumilipad… favorite action song ko ito lalo na kung malungkot ako. hehe….)

  19. natawa ako sa taga-make up si mama, bouncer si papa.
    at sa ginutom na pamilya dahil lugi si father.

    naisip ko lang, mag-invite ka kaya sa amin na magtanong kami ng mga bagay-bagay na hindi madaling itanong sa mga pari at semenarista?

    example: wala bang cheat mode sa immersion? iyong tipong call a friend pag di mo na kaya para makakain ka sa mcdo?

    bakit ang mga pari, kokonti lang ang may humor pag nag-sermon? lagi na lang laging galit at nagbabanta ang Big Boss Up There ko kung i-represent nila tuwing linggo?

    bakit ang posisyon ng simbahan sa repro health, parang hinukay sa medieval times ang argumento?

    bakit di pa rin puwedeng maging pari ang mga babae para makapagmisa? bakit macho ang simbahang kinaaaniban ko hanggang ngayon?

    o ha? di kita inaaway. kung nasa kanto lang ang seminary mo, niyaya na kitang magkape.

    peace.

    dahil umaatikabo ang mga katanungan mo eh minabuti kong sumagot sa email mo. hehe… check mo naman kung dumating na.ü
    GOd bless!

  20. natawa ako sa taga-make up si mama, bouncer si papa.
    at sa ginutom na pamilya dahil lugi si father.

    naisip ko lang, mag-invite ka kaya sa amin na magtanong kami ng mga bagay-bagay na hindi madaling itanong sa mga pari at semenarista?

    example: wala bang cheat mode sa immersion? iyong tipong call a friend pag di mo na kaya para makakain ka sa mcdo?

    bakit ang mga pari, kokonti lang ang may humor pag nag-sermon? lagi na lang laging galit at nagbabanta ang Big Boss Up There ko kung i-represent nila tuwing linggo?

    bakit ang posisyon ng simbahan sa repro health, parang hinukay sa medieval times ang argumento?

    bakit di pa rin puwedeng maging pari ang mga babae para makapagmisa? bakit macho ang simbahang kinaaaniban ko hanggang ngayon?

    o ha? di kita inaaway. kung nasa kanto lang ang seminary mo, niyaya na kitang magkape para maitanong ko ito nang personal.

    peace.

    at talagang inulit pa eh, ano.ü may sagut na poh. napadala ko na poh sa email. God bless!
    (bakit may “h” ang “po” ng mga kabataan ngayon?)

  21. hayness!ngaun lang uli ako nakabalik..

    brother uts nman pano nman ako makakapag emote eh nakakatawa ung mga ekspiryens ng mga pari na frendship mo sa kanilang mga exposures.

    pero alam mo dapat ang nakakaranas ng mga ganyang exposures/immersion eh ung mga pulitiko na nagpapakasarap sa kanilang mga pwesto samantalang ung mga taong mahihirap nagpapakamatay na sa paghahanap buhay ndi pa rin maiahon sa hirap ng buhay ung mga pamilya nila.tapos ang mga pulitoko nakukuha pang magnakaw sa kaban ng bayan.ang sama di ba!

    haist!pasencia na po at nadala lang ng aking emosyon..

    kaya po gustong gusto kung bumabalik dito sa iyong bahay eh gustong gusto kong makita yang mga makukulay mong mga binta.natutuwa po ako at ndi ka nauubusan ng ipopost na makulay na bintana..hehehe

    ^^,
    brother uts add kita sa aking blogroll ha..
    kasalukuyan ko pa pong ginagawa ang aking munting tahanan.pasyal ka po minsan ha.

    chicksykat.wordpress.com

    una sa lahat, welcome sa blogosphere, kapatid!ü sabi nga nina helena, joycee at 8bote: mwahugs!
    pangalawa, agring-agree ako dun sa sinabi mo about politicians. dapat may training din sila bago sila pumasok sa mundo ng paglilingkod. kahit isang buwan lang na exposure sa slum area, tiak ko, may impact agad yun.ü
    God bless and i pray na maenjoy mo ang blogging!

  22. Maniniwala ka ba Bro.Utoy na ang akala ko kay REV, kasi naman bigla na lang sumulpot (ahihihi), ay parang nasa “exposure at immersion” (yan pala tawag dun!) lang sya… mejo techie nga lang ang way of exposure at immersion nya – ONLINE! (Meron po ba ganun? Para naman maging aware kami nyehehehe) Mejo nakakahibang lang din na may bigla na lang mag aadd sa Friendster at YM na isang “deacon” out of… wala lang, by that time aloof talaga ako sa mga pari or should I say alagad ng simbahan, feeling ko I should be and must be proper lagi, mejo nanginginig pa ako nung ina-add sya, pati ikaw (pag comment dito), in a way some may not understand but, for me, you can reach people by speaking the language na gamit nila/namin, kaya siguro ung “barubal na nga ba si utoy?” na entry, siguro dito sa entry na toh nasagot yan tanung mo kung barubal ka nga ba, you see… case studies speak! We shouldn’t underestimate someones relationship with God, for we know nothing. Same with you, hindi porque ur “unbecoming of a seminarian” (DAW!!!) sa mga entries mo, pero you remain seminarian sa mga avid reader mo, kasi we know, what’s with you and God remains private, kung gugustuhin mo lang naman kasi na mag post about Theology (etc.) madali mo magagawa, pero subukan mo gawin yan kakatakutan ko na ang pag comment dito at iisipin ko na lang…. “wow, super holy hindi ako pwede dito!” Nyehehehe Come to think of it, may balance of wackiness and holiness nga po blog mo eh.

    Re: Exodians: I may not know about the battle/dilemma/anxiety you all in/up to, but this sound like a very interesting topic that, I guess, the Church must be aware of, just like what Bro. Utoy said – “program for ex-seminarians” – a big help!

    PS. Bakit nga ba emphasize pa ang 5’2” na height ni Fr. Roel? Nasa blogosphere din po ba sya? nyehehehe

    wow, superserious na si tina banana namin.ü hehe… salamat sa friendship, teens, kahit na medyo pikon si kuya utoy eh tiniis mo.ü salamat din kasi nakita mo yung effort namin ni Rev to stay on the grassroots level (naks, grassroots level, parang tanglad lang!). pero in reality, suplado talaga si utoy. pramis, nerd sa personal. hehe…

    mahalaga ang height ni Father. isipin mo ang isang 5’2″ na tao, nagtutulak ng malaking kariton ng buko. parang “pasan ko ang daigdig” sa drama diba? hehe…
    GOd bless!

  23. yah nkkrelate aq (mejo) nyan. mrmi kmi exposures frm our alma mater pro kc spcial treatment kc alam sang skul kmi galing tksa mrmi ksama ko pretending to be conyo.
    pro ung nagvolunteer aq sa isang lugar sa likod ng earth na d mo alam kng ksama p c mapa, mga madre ng asumption at ibng volunteers ksama q. un nman mga lumad. dun q SOBRANG naapreciate ang pgkain kc wla tlga slang mkain LITERALLY khit nsa bundok sla.
    un nga lang bro, pgakyat at ppunta p lng ng bundok hnimitay aq, pagising q mga lumad ngbbantay at nagaasikaso sa akin hudibah kkhiya.
    next nun di na aq pnsama mahina daw aq 😦

    naaliw naman ako sa kwento mo, honey! naimagine ko pa yung napapligiran ka ng lumad tapos pinapaypayan ka. ako rin, nakaranas na rin ng exposure with the lumads. naku, saging at kamote kami for two days! pero andami kong natutunan sa kanila, lalo na about unity and sense of community and family. nakakainspired sila! kaya kung nakakahiya man ang experience, ang mahalaga naman eh yung lesson learned diba?ü
    God bless!

  24. vergel (bro. utoy ang totoong pangalan) anak mayaman at may ginintuang kutis bayag nakaisip magpari dahil sa libreng red wine during the mass..during his exposure ay nanirahan sya sa isang class na class na internet cafe para sa libreng internet para sa kanyang bisyong blogging! patawad po,nangati lang ang kamay ko

    hihihi bakit hindi ko nakita yang stain glass na yan…at talagang inisip ko pa kung napuntahan ba natin yang St. Mary Major na yan..hahahaha…yung italian ang nakatatak sa konting isip ko…suri tae lang!

    ang ganda ng mga kwento..alam mo gusto ko ding mag exposure na ganyan…sana bago ako kunin ni Fafa J eh magawa ko din yan..(ed–inggitera ka p0kw4ng!) hihihi

    kaya nga di ako nagkwento tungkol sa sarili ko dahil sa lahat ng exposurists, ako ang tutyal. French Alpine countryside! hehe… pero wag ka, hirap din ako dito. Di ko na nga mabalance ang oras ko for blogging and mountainhiking. hehe…

    yung stainglass? naalala mo yung pang-grandfinals na pagkakatapilok ko sa unang simbahang pinasok natin? kakatakbo ko yun para sa stainglass na ito. buti nga, malinaw. yung iba, kabadtripan, blurred!
    exposure? pwede ka namang sumama sa amin. kaya lang, di pa papaniwalaang iskwating kung dadalhin mo ang boyfriend mong si canon. bitawan mo naman kasi yan paminsan-minsan. hehe…
    o kaya naman eh you can expose yourself din sa blogosphere. (teka, parang mali).

  25. saglit may nakalimutan ako…hanggang ngayon pabalik balik pa ako sa mga dating post mo para sa mga sagot sa comment ha…hmmp tamad!

    lalalin lalin..hmmm lalin..lalalin..lalin..lalalalalalinnnnn..hmmm!

    iiihhhh… kasi…
    andami nang comment, kakapagod magsagot isa-isa. atsaka, ayoko ring sabihin ng tao na may kinakampihan akong opinyon dun sa last post ko. sensya na pu, poo-poo.

  26. Pasensiya na po. Nagmamarakulyo ang aking ancient dial up internet connection at home. Yes, kuripot ako. Ilokano/Batangueno ang dugong nananalaytay sa aking royal veins.

    Nakuha ko na po ang inyong sagot. At sinagot ko na rin po.

    Ang extra “h” ay pagtatangka ng kabataan na maging cute. Hokey poh?

    batangueño? aba’y kabayan! ako ih galing din duon eh!ü i read your letter. thanks for the reply! God bless!

  27. di ko pa tapos basahin kasi nagawi ako dun sa comment na naging post mo… wat a coincident kasi may isa akong post na dapat sana ang title eh “thy kingdom come” at kapag plnlug ko na sa blog ko eh “thy will be done” buti na lang napunta ako dito… balik ako ulit dito para basahin ang the rest kasi kelangan ko ng umalis… cheers;p-glesy the great

    ang totoo nyan glesy eh hindi ako ang naglagay nung “thy will be done, thy will be done.” dagdag na lang ng blogger yun, para siguro maging religious naman ang comment ko. hehe…
    balik ka ha. hihintayin kita!

  28. naks naman..salamat sa advertisement.

    ang gaganda ng stainglass mo ah. alam mo, yan ang isa sa mga pangarap kong gawin.

    gawa ka, ELI, tapos i feature natin dito.ü God bless!

  29. Hello, i got here from Panaderos’ blog.

    Ang kulit ng mga experiences ng mga pari na nakuwento mo ah. Ngayon ko lang nalaman na ginagawa pala ng mga seminarista yan.

    Dito sa Pinas nagtuturo ako part time sa isang seminaryo pero ang estudyante ko mga foreigner na paring nag-aaral ng English. Wala lang, nasabi ko lang. Wala kang pakialam? Okay.

    G’day!

    i just got back from your site. ang galing do-drowing ah.ü nagturo ka sa seminaryo? saan yun? sa ICLA ba yan, kat?
    thanks for dropping by. I added you sa blogroll ko as “Katpusa’s Meow”
    GOd bless!

  30. ang hirap pala talaga maging pari, hahaha… hindi ko siguro matetake ang tumabi sa mga daga habang nakapayong na tulog… saka totoo pala na may mga kaya ang mga nagpapari 🙂 Godbless po…

    hindi kami mayaman, wifeybee. maputi lang ako kaya akala nila mayaman kami, pero laking iskwating din si Utoy.ü God bless!

  31. hahahha

    kuya utoy, dika naman galit sa kanila sa lagay na yan.

    ilaglag daw ba… hehe tama ba term ko? watever…

    cge kuya ilabas mo pa lahat ng hinaing mo.

    di naman ako galit, Yhen, passionate lang.ü hehe…
    God bless!

  32. minsan mayroon tayong dapat na pagdaanan para mas maunawaan at mahalin natin ang ating buhay, trabaho o bokasyon 🙂 God Bless

    pero sa buhay ko eh parang araw-araw ko na itong nararanasan during my college days. hehe…
    salamat sa pagdaan, kapatid! GOd bless!

  33. so kumbaga sa nursing students eh community immersion ito. may ganun din pala sa mga seminarista, ewan ko kung napagdaanan ng tatay ko yan, matanong nga.. 🙂

    so dapat ba eh mag-abang kame sa post mu tungkol sa pag-ibig ng seminarista? weeee.

    *sorry kuya utoy di masyado makapagseryoso masaket ang tyan ku eh waaah

  34. Hello brother utoy! cencia na ngaun lang ako nakabalik.. may sakit parin kasi ako, ngaun lang nakapag internet ulet..

    Nakakarelate ako dyan eventhough nde ko pa naeexperience, pero nung magsearch in/ stay in ako sa canossa, may mga nakapagkwento na din sa akin ng ganyang experiences, pero parang ‘pasan ko ang daigdaig’ with matching end of the world nmn yata ung mga experiences nila, bigla nmn akong natakot… toinks!

    Meaning ung exposure mo eh dyan sa pransya? Social studies ka brother!! hihihi…

    FYI, nde serious si tina, masakit lang tyan nyan..

    uy, hindi lang ito ang exposure ko. Meron din ako sa slums sa may malapit sa creek sa Araneta, sa may Lambingan Bridge, ang pangalan ng area eh Ober Da Bakod. Walang biro! serious ako!

    tina, tapalan mo lang yan ng dahon ng talampunay, mawawala na sakit ng tiyan.ü

    asdf

  35. At aabangan ko ang love life ng mga seminarians, baka makarelate ako.. toinkz!

    uy, madrama yun, nakakahiya.

  36. Yo Bro. Utoy,
    Me mga naikwento rin yung mga paring kakilala ko on their exposure bago sila ordenahan. Very humbling daw yung experience.

    off-topic,
    hehe dito ako now sa Taipei. walang tabo, meron maliit na baso, alam mo kung anong ginawa ko?
    bumili ako lang large drink sa fastfood, tapos yun instant tabo na. hahaha

    nyahaha! gawain ko rin yan sa mall! kapag talagang matindi ang calling (ni mother nature) eh napapabili ako ng large coke. the best ang cups ng Wendy’s! maraming malalamang tubig. hehe…
    God bless sa work mo dyan sa Teipei. mukhang malaki ang kita dyan ah.ü

  37. wheewww…
    i felt humbled by the experience of these seminarista? kuya? asan na sila ngayon. lol

    hindi ko alam kung iiyak ako or tatawa sa post mo… sobrang nakarelate ako.. hindi man ako seminarista (imposible ata yun) sobrang daming community immersion naman naranasan ko sa buhay! pero ngayon ko lang ata naramdaman ang purpose at lesson ko sa mga hirap na yun!

    thanks for reminding me kuya!

    promise sayu lang ako mag co-confess pag pari ka na! if theres a need for me to fly to the moon (kung dun ang parish mo) gagawin ko! 😀

    nasa paligid lang. geish. hindi sila hitsurang pari o seminarian. hehe… gusto mong magconfess sa akin in the future? naku, baka magsisi ka! mabigat akong magpa-penance. kailangang ilibre mo muna ako ng snacks bago kita i-absolve.ü hehe…

  38. boploks ko talaga… sabi ko dun sa stainglass.. circular pa rin naman ah… ang tagal bago ko naramdaman ang enlightenment… nyahahaha

    ayan ha, nagbalik ako…. yung post na sinasabi ko eh hindi para sakin.. para yun sa malapit na tao sa buhay mo pero di pa nya pinopost (sana mabasa nya to) ahahaha.. nakita ko kasing pumunta ka sa blog ko baka tiningnan mo kung totoo nga… (pero hindi ka nagbasa!!! hmph)

    back to the topic… aber aber aber asan ang experience nyo diyan…. nakakatawa mang isipin yung mga scenario ng mga seminaryo (what a rhyme) nun exposure nilang yan… hindi naman nakakatuwa pag yan na ang buhay mo talaga… parang binigyan mo tuloy ako ng another reason kung bakit ako kelangang maging sobrang kuripot…

    sa ER ako ngayon naka-assign at talaga namang nakita ko ang pagkakaiba ng treatment sa mga taong may pambayad at wala… nakita ko kung paano tarayan ng iba yung taong alam nilang hindi papalag… kaya ayaw ko sa ER kasi ayaw kong maging katulad nila… mas gusto kong alagaan ang mga mahihirap pero ayaw kong tumagal na parang wala na lang sakin ang ginagawa ko… na dumating yung araw na wala na sakin ang kamatayan at saka yung nararamdaman ng mga kamag-anak…

    honestly speaking, sa trabaho kong to i am always reminded how lucky i am pero baka pagdating ng panahon mawala na yung feelings na yan kasi pang-araw-araw na lang ngyayari sakin yan… (yun ang kinakatakot ko)

    confession eto? in the name of the father and of the son and of the holy spirit amen… godtrulyrocks;p-glesy the great

    alam mo, tama ka, glesy, mahirap maging mahirap.
    kapag exposed ka sa mahirap, ang difficulty talaga eh hindi lang yung mabuhay with them, but also the fact na wala kang magawa para mapagaan ang buhay nila. kapag ganun, ambigat-bigat sa dibdib. basta ang sinasabi ko na lang sa sarili ko: huwag mong kakalimutan sila, Utoy, huwag mo silang kakalimutan. I just hold on to the feeling and experience. I know someday, may magagawa rin ako…

  39. Astig ng blog mo! Matagal na kong naghahanap ng blog ng kapwa ko seminarista pero puro pormalan at inglesan lang ang napasok ko. Tama ka masarap nga mag-immersion. (syempre nga malayo sa formator)Minsan ikaw yung magdadala ngkahit na konting spark ng pag-asa sa pamilyang titirhan mo. may mga pagkakataon din na sa sobrang exposed ng seminarista sa kahirapan may mga pagkakataong pati sya ay mabadtrip na sa buhay. pero kung iisipin si Kristo na Diyos ay pinanganak na mahirap, namuhay na mahirap ant namatay na mahirap. tama ka na xerox ang mukha ng kahirapan sa banal na mukha ni Kristo. kapag naiisip ko ito di ko na magawang magreklamo sa konting hirap na bigay ng buhay. (parang homily ha)

    napa- Eymen! na lang ako sa comment mo, pio! deepness! teka, saan ka seminarista? may blog ka rin ba? iwan mo naman dito ang link para marami tayong magkakabarkada. hehe…

  40. Religiously laughing sa kwentong espesyal ni brad utoy at sa mga feedback. Palihog survive sa imong bokasyon. Salamat sa imong paambit. Here is the karay-a translation of your formal article. http://exodians.wordpress.com/2009/02/08/truth-be-told-by-brother-utoy/#comment-250

    maningkamot gud ko nga makahoman sa akong pag-iskwila. ginaayo ko ang inyong pangadyi nga, unta, mahimo ko’g pari. daghang salamat, mga igsoon! (tama ba?)

  41. di ko alam,eh. pero bakit si revsiopao may access naman kahit di na member.

    ewan. haha! pero pwde naman ung magmember ka, pero wla kang blog. hirap explain. basta ganun. haha! ask nyo si revsiopao kung pano ginawa nya,. haha! 😀

    or gawa ka na lang ng account sa gmail. haha. laos na kasi ang yahoo. google is in! yay! haha! 😀

    ewan ko. haha! 😀

    xD

    hayan tuloy, napamember ako ng di oras! hehe… oy, magpost ka na ng bago! wala bang update with the Animé girl? hehe…

  42. ay, ang sarap makichismis sa mga immersion ninyo, hehehe

    okey ba sa blind items? hehe..

  43. in fairness,eto ang favorite ko sa mga windows of the day mo brother utoy.hehe.

    ang ganda, ano? sa Rome ko kuha yan! (proud eh.)

  44. Unang salta ko dito dahil kay panaderos.

    Nakakatuwa at nakakamulat ng pananaw ang mga “experience” sa “exposure” ng mga seminarista. Nakaka-aliw din basahin ang mga sinusulat mo. Tama si “baker”.

    Apat sa kamag-anak ko (kasama ang bayaw) ang nagsipagtapos sa seminaryo, pero ni isa ay hindi naging pari. Ako sana ang gustong pagpariin ng Nanay ko dahil pangalawang anak na lalaki daw ako (ewan ko kung ano ang koneksyon sa pagpapari ng pangalawang anak) ngunit hindi natuloy dahil bata pa ako ay alam nya ng ibang landas ang tinatahak ng aking pag-iisip.

    ako naman eh ayaw pagpariin ng magulang ko. nag-aalala sila baka kung anong gawin ko sa simbahan. hehe… welcome sa blog ko, blogusvox! add kita ha…

  45. patay-patayan nga muna ako. haha! 😀

    kasama ko sya last night. haha! nanood kami ng concert sa UP fair! yay! haha! 😀

    ewan. basta, pag nakahawak nako ng piano,dun lang uli ako mabubuhay 🙂

    xD

    mama, ibili mo na nga ng clavinova itong si dedpish!!!
    yung 88 keys para masaya!
    hehe….
    born musician ka talaga, tol, you swim in music.ü

  46. Nawindang ako sa dami ng kailangan kong daanang mga komento/puna…

    Ti mayo kay gabira gid sa hakotay audience share imo blog… 🙂 Binli man kami bi… hehehe!

    Hmmm… me post ka na ba kapatid tungkol sa sarili mong immersion experience? O baka isa ka dun sa mga “hindi tunay na pangalan”? 🙂

    At napansin ko lang, merong “SION” dun sa text ng stained glass window mo ngayon… Naalala ko tuloy si Dan Brown… 🙂

    madalas, weekend immersion lako sa Ober Da Bakod. Hindi ito biro, may place talaga sa Maynila na Ober Da Bakod.ü Pero ang exposure ko talaga eh dito sa France. Galing na raw kasi ako sa iskwater eh. hehe…

    yung Sion?
    okay lang na isipin mo na may kinalaman yun
    sa Priory of Zion basta ba huwag
    “ang sapatos ni Sion na nilagyan ng biton.”
    hehehe….

  47. Masaya pala ang exposure at immersion na yan. Nakakatawa mga cases lalo na case number 3 haha.

    Naalala ko tuloy yung kwento ng isang group mate ko last year. SIguro nasa ganyang event ang guy na ikinuwento nya sa kin..isang seminarista na naging boypren nya. Pagkatapos ng lahat naghiwalay din sila at bumalik ang lalake sa pagpapari. Hanggang ngayon hindi pa din makarekober itong si group mate. Madalas ako pa noon inuutusan nyang tumawag sa seminaryo para hanapin ang kanyang ex… Na hindi naman nya matyempuhang makausap. haays

    Buti na lang talaga kapatid lang ang turing ko sa inyo ni rev..hehe sabi ko nga magmamahal na lang ako ng bading…wag lang seminarista…lolz mahirap ata kalabanin ang Diyos.

    Aays neks post pa nga pala ang tungkol sa “love” sorry na carried away na naman…

    di ko alam kung paano nakamove-on agad ang ex-gf ko,
    pero mukhang madali lang sa kanya…

    naalala ko yung song noong 90’s:
    “Umasa ako, ang buong akala’y akin ang iyong mundo.
    Buti na lang at aking natuklasan,
    ikaw pala ay isang SEMINARIAN!”

    yak, ambaduy ko. pwe.

  48. Bro Utoy, ang galing naman ng ganyang experience… hindi ko alam ko kakayanin ko nga lang – pero tunay na hanga ako sa mga taong nag undergo ng immersion.

    Sa ganitong paraan mo kasi mabibigyang pahalaga ang lahat ng mga biyaya mo sa buhay eh… at sa ganitong paraan mo din matutunan itong i-share sa ibang tao.

    Question, ano ang personal experience mo naman?

    ang totoo eh itong France na ang aking immersion. sosyal ano? galing na raw kasi ako sa iskwater kaya sa opposite naman nila ako inilagay. hehe…

  49. 1st and foremost, i would like to thank you bro. utoy, for the award mentioning my name in this blog… bow! 🙂

    kidding aside, nasubukan ko na rin ang immersion noong [medyo] banal pa ko. naging burn born-again christian kasi ako dati at sadyang ipinaranas sa min ang makisalamuha sa mga mahihirap para maranasan daw namin ang buhay nila [sa totoo lang di ko na-gets yun. eh mahirap rin kaya kami. mas dukha pa nga ako sa kanila]. pero totoo ka… may lesson talaga na kapupulutan mo ng aral. *teary-eyed* *eyelashes batting*

    ang galing naman ng formation nyo with the born-again! ang totoo nyan eh di lang dapat exposure ang magkaroon tayo with the poor. dapat regular ministry rin.
    God bless!

  50. nyahahhahah… oo nga! bka sang libong ama namin at sang milyong hail mary ang papa recite mo sa akin! aabutin pa ko ng magdamag sa simbahan nito! hahahahaha

    snacks lang naman pala! go! 😀

    hayan, usapan yan ha. snacks ang penance.ü
    sana maging pari na agad ako para maka-confess ka na.
    hantagal naman kasi…

  51. alam mo brother utoy, naniniwala ako sa immersion na yan na magpapabago ng pananaw ng isang tao at makakapag-review sa kanya ng kung anong grasya ang meron siya na hindi niya dati napapansin.

    it’s one way of looking at the world through less fortunate people’s eyes. kaya lang, ang di kailanman natin maarok ay yung ilang dekada at taon na epekto ng paghihirap ang meron sila. mahirap eh. dahil hindi natin naapakan yung sapatos nila sa pagdaan ng panahon.

    ang totoo nyan, UM, eh may programs ang congregation namin para sa mahihirap. Sa Davao City na lang eh may low-cost housing projects kami at saka economic assitance para sa mga slum areas dun para mabili nila ang lupang ilegal nilang tinitirikan. in little ways man lang eh makarespond din kami sa kahirapan. mayroong 2,000 families na ang natulungan ng Assumption Parish sa Davao sa ganitong endeavor.

  52. Ang gaganda naman ng mga experiences nila. Ngayon ko lang narinig ang tungkol sa exposure na yan. Meron ding equivalent sa aming church na ganyan.

    Iba talaga ang nagagawang pagbabago ng isang tao kapag nakaranas sya ng hirap sa buhay. Mas madaling maging mapagkumbaba sa bawat oras kapag nanggaling sa hirap. Nakapag exposure and immersion ka na ba Kuya Utoy? Saan po? Parang di ko kasi nabasa rito.

    dahil galing na ako sa iskwater, emilayskie eh sa France nila ako pinag-exposure.ü dati, sa Ober Da Bakod ako, tatawid ng creek gamit ang bangka. Prayer meeting yun with the nanays.ü

  53. pang extra-challenge pala ang pagsubok ng mga father-to-be ano, ..muntik pa naman akong magaral sa seminaryo..hehe

    most people would think na parang pampered ang mga taong simbahan di nila alam ang behind the scene na ganito, txs for sharing us the story bruder..

    now i believe, makitid, matinik talga ang pagsubok at daan patungo sa langit..:)

    rgds..more of this expose.

    challenge talaga ito, AJ! parang pinaghalong fear factor at survivor kung minsan pero syempre, with lessons.ü atsaka, nakaka-improve ng humor, i’m telling you.ü

  54. ang layo na ng comment ko. hay..
    teka nagulat naman ako sa exposure na iyun. sa totoo ay maganda na yung napapahalagahan natin ang mga mumunting bagay sa mundo. at least nalalaman natin yung totoong value ng isang bagay. kung tutyuusin ang hirap no? parang napahirap lalo kung hindi sanay pero worth naman iyun ng wiosdom na puede mong matutunan 😉

    mas maganda nga yun hindi sanay kasi mas malalim ang impact ng exposure, mas nagiging makahulugan.ü God bless!

  55. btw bro OT. nakakuha na ko ng pic ng isang sa dalawang simbahn dito sa dubai.interior at exterior at stained glass kinuhaan ko. post ko one time sa blog ko. =)

    sige, sige! gusto ko yan! aabangan ko, dench.ü

  56. Bro. Utoy… Truly rewarding ang isang bagay na pinaghihirapan lalo kung sinasapuso… woooww galing ng mga pari! Hayyyssss… di rin pala madali ang pinagdadaanan nila….

    Salamat din po sa friendship! Yeeehaaa! hehehe Teka lang may papadapain lang po ako bro. Utoy ha, nilalaglag ako dito sa bahay mo eh…..

    ((((JJJOORRRGGGEEE)))): masakit pala tiyan ko ha…. DAPA! Umuwi ka nga dun sa bahay blog mo, di mo pa nasasagutan ung comment ko dun, magsasaing ka pa.. isusuga mo pa ung kalabaw.. ahihihi…

    Sensya na brother… hehehe

    hala, jorge, takbo na!!!

    salamat din sa friendship, tina.ü kanta na tayo ng “to love you more!”

  57. Napaka challenging naman ng exposure na yan. Talagang buong puso mong mauunawaan ang bawat bagay sa mundo.

    Sa nabasa ko ngayon napa isip tuloy ako kung bakit hindi ako nakokontento sa mga blessings na tinatamasa ko ngayon. XD

    SALAMAT SA POST KUYA UTOY!

    ang deep naman ng reflection ni Dansoy namin.ü thank you rin sa dalaw! GOd bless!

  58. pamilya ako ng mga seminarians hahaha

    me mga naging pari

    lumabas

    nag-asawa

    isa ang natira hahaha

    and i have one immersion too. ang tumira ako sa kumbento in Hyattsville, Maryland kasama ang grupo nang seminarista where my cousin was.

    eh ano pa nga ba, eh di seminarista na rin ang trato saken although naging very close… teka… very very verrrrrrrrrrrrrry close ko yong isang italian hahaha kaya tumiwalag ako

    but this is one very nice post, walang halong pa-link nga hahaha

    aba, parang gusto kong malaman yang kwentong yan ah.ü dali, reynz, i-post mo! hehe… God bless!
    ps. ang kulit ng Dear Ate Charo sa bahay mo ha.ü

  59. waaaaw! natuwa ako sa post an ito. sobra! hakhak! at oo nakakarelate ako sa mga ganyang bagay. andami kong reklamo sa buhay pero hindi ko pansin na maswerte na pala ako sa lagay na ito, nakakapag-aral pero hayun napapalpak ang ibang exams, kumakain 6 times a day minsan more than pa, at may luho pa. nakakalungkot pero nakakainspire…
    awts.

    {**insert the song ”Hesus na Aming Kapatid” here and then mag-emote ka. sige na, gawin mo, please. yung teary-eyed ha?**}}

    kaw muna kuya utoy ang gumawa niyan tapos gagayahin kita. ano game! hakhak!

    another stained glass! wafakels!

  60. […] O kaya, expose mo mga Seminarians! Hahah! Isa sa pinaka-exciting na bahagi ng buhay ng isang makabagong seminarian ang exposure at immersion. Kung matatandaan ninyo ang makabagbag-damdaming multiply posts ni Tracy Isabel Borres ay tiyak na-encounter ninyo doon ang words na exposure at immersion, in a very coñotic way nga lang. Ang totoo nyan eh isa ito sa pinaka-aabangang event ng isang seminarista: Biruin mo, makikitira ka sa bahay ng isang pamilya, mamumuhay ka sa labas ng seminaryo, at malayo sa formator mo? Hah! Freedom, at last! Or is it? Follow the link!!! […]

  61. my first time here. nakakaaliw. familiar ang mga stories. ex-novice po ako. tagal na rin. pero i remember everything..makulay nga naman ang buhay sa loob.

  62. This is somehow related to my post “THE UTOPIA OF THE POOR”…

    You’re right brother UTOY, the pressing problems of the poor today need an urgent solution.

    Thank GOD that with this you can enlighten the people around you.

    Mabuhay ka!

  63. Ngayon medyo may linaw na sa akin na sa tuwing nagsasalita ang mga Pari ay parang walang kinalaman sa doktrina ng IKAR (Iglesia katolika Apostolika Romana) more on personal experience siguro nga dahil sa immersion at exposure na naikwento mo. But I dont think 1 month is enough to make you a better priest.kailangan siguro mag-rural service sila ng 1 to 2 years. ang dami kong kilalang magagaling na tao na nag-Pari kaya siguro nanghihinayang ako dahil they service a church with a questionabe doctrines like celibacy.

    • Reply lang po kay Ysrael, anong babhagi ng celibacy ang questionable para sa’yo? Celibacy is a gift. it enables a priest to focus more on his ministry, to become a man for everyone. Ang pari ay celibate for one reason, the Kingdom. A priest is modelled to Christ, Christ who himself is celibate.
      Hindi rin ito isang doktrina. Salamat po

  64. hello bro utoy. i’ve read a few of your latest post and i must say na ikaw ang pinakamakulit at cool na seminarista na naencounter ko. hehe. ayos pala ang immersion nyo no? napaisip tuloy ako – baka seminarista pala yung mga nakikita kong nagtitinda ng yosi at sumasabit sa jeep. hehe. natawa talaga ako dun sa experience nung isang seminarista sa bagyong jolina. hehe.

    pero ayos din itong blog mo, sumasabay na din pala ang simbahan sa blogosphere.

Leave a reply to dedpish Cancel reply