Kagabi, napagdesisyunan ko na sa halip na the usual pasta, salad, and steak ang Sunday lunch namin eh magluluto ako ng pancit canton para sa community ko. Sa totoo lang eh medyo nagdadalawang isip akong gawin ito kasi last week, nang umuwi galing bakasyon ang kasama naming vietnamese eh katakut-takot na kantyaw at panlalait ang inabot niya sa mga pabaon sa kanyang mga leftovers ng lutong oriental. Antigas na ng lumpiang shanghai, halos di na maremedyohan sa steamer ang dumplings, at Panginoong mahabagin, pati naman yung laman ng hotpot, iniuwi! Kadiri kaya yun kapag malamig na. Dangan kasi, bakit tayong asyatiko eh nagpapabaon sa bisita ng mga left-overs? Hindi naman talagang masarap ang mga yun kapag iniinit ulit.
Nagdadalawang isip din ako kasi gustohin ko mang magluto ng authentic oriental dish, eh, wala namang available ingredients. Pero parang hulog ng langit dahil may baong hilaw na chinese egg noodles ang pobreng vietnamese, chinese sausage at isang kahon ng raw Bangladeshi prawns. Dala na rin ng panghihinayang ko sa mga sugpo (mag-iisang linggo na sa freezer, di pa naluluto!), nagsingit ako ng ibang mga ingredients noong nag-grocery ako kahapon. bumili ako ng repolyo (matamis ang lasa ng repolyo dito), haricot verts (substitute for baguio beans), baby carrots (na ampapayat, wala na kasing iba) at ng champignon noir (substitute for tengang daga), lemon (dahil walang kalamansi dito). At syempre, dahil ayaw ng mga puti ng nouc mam (vietnamese version ng patis), eh bumili na rin ako ng soysauce na sa totoo lang eh kakaiba ang lasa at di masyadong maalat.
The verdict, nung niluto ko na ang pancit canton kaninang tanghali? Ganito, noong nagluluto ako, worried ako na mukhang pang walong tao ang niluto ko. Pero nung ihain ko na sa tatlong pari ang pancit, nilantakan agad nila ito. Di ko tuloy napicturan. At ang cordon bleue ko (contingency kung sakaling di nila magustuhan ang pancit ko) eh naisnab tuloy.
At dahil diyan, mga misis, eh I’m sharing you the recipe:
Pancit Canton à la Maison Paroissiale
Ingredients:
- 250 g uncooked chinese egg noodles
- 8 pieces medium sized sugpo
- 2 cups of water (para sa broth)
- 2 cups of cabbage, shredded
- 1 cup of baby carrots, cut into 1.5″ sticks
- 2/3 cup of haricot verts, sliced slanting 1″ length
- 1/2 cup of champignon noir (parang tengang daga), cut into strips
- 1/2 cup of panggisang baboy (hirap ako dito kasi trimmed ang mga taba ng mga karne sa supermarket)
- 1/2 cup of onions, sliced (dinamihan ko ito kasi ayaw ng paring Swiss ng bawang)
- 1/4 cup of chinese sausage, sliced thinly.
- 4 tablespoon of french-style soysauce
- rock salt and freshly ground pepper to taste
- 1 hard-boiled egg, sliced for garnishing
- 1 piece lemon, wedged
DIRECTION:
- Huwag magpanic. Pancit canton lang yan. Malay ba ng mga puti kung ano ang lasa ang tunay na pancit canton?
- Balatan, pugutan ng ulo’t buntot at i-devein ang sugpo. isantabi ang katawan sandali. Ilaga ang laman ng ulo ng sugpo sa 2 tasa ng tubig at itago ang sabaw na makukuha dito. Substitute ito sa hibe (dried shrimps) pero kung matyaga ka, sige, maghanap ka ng hibe sa France.
- Igisa ng sibuyas (bawal ang bawang kay Jean-Claude) hanggang magtransparent, isahog ang chinese sausage at karne hanggang magbrown. Isama ang sugpo hanggang mamula. Lagyan ng asin at ng soysauce at hintayin hanggang kumulo. Buksan ang exhaust dahil mareklamo ang mga puti sa amoy ng kusina.
- Isahog ang champignon noir, haricots at baby carrots. Kapag medyo luto na ang carrots eh isahog ang repolyo. Haluin paminsan-minsan at sumipol-sipol para kunyari ang galing mong magluto.
- Ibuhos ang sabaw ng nilagang ulo ng sugpo at ihalo ang chinese noodles. Hinay-hinay lang ang paghalo para di malamutak ang noodles. Bantayan kung kulang ang sabaw dahil i-aabsorb ng noodles ang sabaw ng sugpo. Kung kulang, bigkasin ang paborito mong mura (example: Punyemas!) sabay dagdag ng tubig na sasapat upang maluto ang noodles. Pero wag sobra dahil di naman Lomi ang niluluto mo.
- After 10 minutes, season with salt and pepper tapos ihain sa platera garnished with sliced na itlog at mga lemon wedges, pero mas mainam na ipaliwanag sa mga puti na di lang garnishing ang lemons kundi dapat pigain ito sa ibabaw ng pancit. Usually, this serves a family of six or a community of three dead-hungry (patay-gutom, sabi ni Brian) priests and a seminarian. Wag gumamit ng chopsticks at maiinsulto ang mga puti. Mas mainam na kainin kapag may white wine.
At syempre, ang stainglass window of the day ay ito:
Nakunan ko ito ng picture sa loob ng simbahan kung saan bininyagan si St. Bernadette Soubirous (Lourdes) habang nagkakagulo ang mga pilgrims para sa isang mumurahing sticker. Ang stainglass ay naglalarawan ng isang tagpo sa buhay ni San Antonio de Padua kung saan ay nakitang nagbigay-galang sa Santo Sakramento ang isang asno. Handog ko ito kay Bluep kasi Fransiskano sina St. Bernadette at St. Anthony. Pangalawa, diba, parang sa Pahiyas ito, lumuluhod ang kalabaw sa harap ng simbahan?ü
Filed under: outside religion | Tagged: community, food, foodie, struggle | 22 Comments »